Ang Reproductive Health Bill ay isang panukalang batas kung saan pinalalawig ang reproductive health services kasama ang artificial contraception, birth control rate at IUDs.
Halos 10 taon na ang nakalilipas
nang simulang talakayin ang walang kamatayang Reproductive Health Bill.
Hanggang ngayon, sa madebateng usapan pa rin ito nakalatag dahil sa walang katapusang
bangayan sa pagitan ng Catholics Bishops Conference of the Philippines (CBCP)
at ng mga politikong sumusuporta rito.
Masigasig at patuloy na
binubuhay ito ng mga senador at kongresista kasama na si Congressman Edcel
Lagman ng Albay. Isa siya sa mga may naiibang bersyon ng RH Bill na kinilala
bilang House Bill 96. May anim pa itong ibang bersyon tulad ng Senate Bill 2378
ni Miriam Defensor-Santiago
Ano ba ang totoong layunin
ng panukalang batas?
Para sa mga pro sa
panukalang batas, ang layunin nito ay ang mga sumusunod:
Bumaba ang
bilang ng populasyon ng bansa na nagiging sanhi ng pagkasalat sa yamang likas,
mabilis na pagkaubos ng pagkain dahil sa laki ng demand at pagkaubos ng lupang
mapagtataniman bunga ng urbanisasyon.
Iiwas sa
sakit tulad ng HIV ang mga Pilipino lalo na ang kabataan sa pamamagitan ng
seminars na nagtuturo kung anu-ano ang mga paraan upang maiwasan ang temptasyon
o pagkilala sa health background ng kinakasama.
Lusutan ang
problemang maagang pagkabuntis sa pamamagitan ng pagtuturo ng sex education
kung saan ipaaalam kung anu-ano ang masasamang dulot ng teenage pregnancies at
pagpapalawig ng kaalaman ukol sa malaking responsibilidad ng isang magulang sa
anak habang bata pa.
Lupigin ang
pagdami ng mga namamatay na kababaihan dahil sa pagbubuntis.
Sa kabilang dako, maraming
tumutuligsa rito. Nariyan ang CBCP at ang Prolife Philippines Foundation. Ayon
sa kanila, ang paglaki ng populasyon ay walang kahit na anumang kinalaman sa kahirapan
ng bansa. Ang tanging nagbabaon sa bansa sa lupa ay ang paglaganap ng korapsyon
sa Pilipinas. Kung wala daw mga buwayang mapaglustay at nagpapakasasa sa
araw-araw na lechon sa hapag, hindi masasadlak sa dusa ang mahihirap nating
kababayan.
Dagdag pa nila, malaking
bentahe ang paglaki ng populasyon sa ekonomiya ng bansa. Tataas ang lakas
paggawa, lalaki ang bilang ng mga produktibong mamamayan at hindi tataas ang
dependency ratio. Kaya kung naghahanap ng dapat sisihin ang gobyerno at mga
mamamayan sa paglaganap ng kahirapan, iyon ay ang korapsyon at hindi ang
pagtaas ng populasyon.
Ayon pa sa National
Demographic and Health Survey noong 2008, 44% ng mga nanganganak ang nairaraos
sa panganganak at 62% ng nagsisilang ng sanggol ang may kasamang doktor o
kumadrona. Kung ito ang sitwasyon malayong solusyon ang contraceptives at IUD
para mapangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino.
Ang dalawang panig ay may
kani-kanyang mga punto. Pero sana naman ay alalahanin nila ang sitwayon ng
ating mga mamamayan lalo na ang mga estudyante. Ang mga mag-aaral ang
pinakamaaapektuhan ng RH Bill sapagkat lalo lamang maliligaw ang kanilang
landas sa kung anong panig pa lamang ang kanilang lulugaran. Oo, tama na
magkaroon ng Sex Education sa paaralan ngunit hindi naman ito para turuan ang
mga estudyante ng Sex Drive at kung anu-ano ang mga posisyon na dapat gawin
tuwing nakikipagtalik. Tama rin naman ang CBCP sa puntong imoral ang aborsyon
dahil labag ito sa batas ng Diyos at kasuklam-suklam tingnan ang pagpatay sa
isang walang kamuwang-muwang na sanggol sa sinapupunan.
Bakit hindi na lang kaya
intindihin ng CBCP at ilang pang anti RH Bill na ang populasyon ang isa sa mga
dahilan kung bakit laganap ang gutom sa bayan ni Juan dela Cruz? Alam naman natin
na sadyang mahirap hagilapin ang mga buwayang nagtatago sa ilalim ng tubig na
pagkalabu-labo dahil sa putik at napakamakapangyarihan ng mga buwayang ito. Kaya
para naman mabawasan, pahintulutan naman nila ang Sex Education para sa mga
mag-aaral nang malaman nila at lubos na maunawaan ang kahalagahan ng mababang
populasyon sa pagkonsumo ng mga pagkain at iba pang likas yaman.
Para naman sa mga Pro RH
Bill, alisin na ang usapin sa mga contraceptives at aborsyon, nagpapatagal na
lang ito sa debateng hindi mamatay-matay. Bakit hindi na lang makipagsundo sa
CBCP dili kaya’y makipagdayalogo nang walang pagtatalo upang magkaintindihan.
Sa tingin ko payak lang
naman ang solusyon sa kontrobersyang ito. Walang aborsyon pero may sex
education at walang contraception pero may family planning. Magkaroon din ng
disiplina sa kung ilan ang magiging anak. Isaisip ang kaangkupan ng kinikitang
pera ng mag-anak sa laki bubuoing pamilya Dito walang nang imoral na kilos at
hindi pa problema ang paglobo ng populasyon. Pabor ito sa simbahan, pabor din
ito sa mga sang-ayon sa RH Bill
Tama na ang pagalingan at
pataasan ng pride. Tama na ang payabangan at patalinuhan. Imbes na mawala ang
kahirapan sa bansa ay lalo ninyo lamang idinudusta at itinutulak ang putikang bansa
sa putikan.
No comments:
Post a Comment