Wednesday, October 28, 2015

Kawawang Juan dela Cruz, nasasalat sa pag-ibig


Ang sambayanang Pilipinas ngayon ay nagdurusa. Ang hostage crisis noong Agosto 23, 2010, ang paghihirap ng masa sa gutom at ang Jueteng Payola na ngayo’y bukambibig ng mga Pinoy ay ilan sa mga patunay na salat nga ang mga Pilipino sa pagmamahal mula sa nakatataas sa gobyerno. Naging salat sa paraang nasaan ba ang halimbawa ang pangulo sa mga araw na naghihinagpis si Juan.
Ngayong taon, isang tuwid na daan ang ating ninais. Pinili natin si Noynoy Aquino bilang ating ika-15 pangulo. Ngunit sa daang tuwid na ating napili, may pagmamahal ba tayong nadama? Wala. Wala na bang mga buwaya sa bayan at nakaramdam ba tayo ng ganap na demokrasya? Hindi, ito ay mga ilusyon lamang. Walang init na bumalot sa nanginginig na katawan ng mga Pilipino dahil sa takot tulad noong kasagsagan ng Hostage Drama ni Rolando Mendoza. Wala ang pangulo sa pinangyarihan ng hostage crisis. Maging ang mga dayuhan ay hindi naging ligtas sa manhid na pamamahala ni PNoy. Walang pangulo ang nagpakita upang hawakan at hagkan ang mga nanginginig at naghihikahos sa takot na mga Hong Kong Nationals. Napakasakit isipin na ang pangulong ating pinagkatiwalaan at iniluklok sa trono ay pagiging manhid at insensitibo lamang ang ibabayad sa atin.
Isang buwan pa lamang ang nakalilipas, heto naman si Jueteng. Dahil sa kwestiyonable ang ilang sagot ni Interior and Local Government Undersecretary Rico Puno sa Senate hearing nitong Setyembre 22, masasabing nasubukan nga ang pagmamahal ni PNoy sa sambayanan. Kahit pa best friends forever si Usec. sa mga Jueteng operators. Todo tanggi si PNoy sa mga pangalang ibinunyag ni Arsobispo Oscar Cruz. Aniya hinding-hindi magagawa iyon ni Puno, kaya hindi masolu-solusyunan ang Jueteng payola. Mistulang binebeybi ng pangulo ang napili nitong gabinete kahit pa may nagawa umano na itong labis na nagpapakapos at bumubutas ng bulsa ng masa.
Sa kabila ng mga kontobersyang ito, marapat na patunayan niyang dapat nga siyang iluklok sa pwesto. Huwag niyang sayangin ang tiwalang ibinigay sa kanya ni Juan. Patunayan niyang isang matuwid ngang daan ang landas na tinatahak ng mga Pilipino ngayon na may punung-puno ng pagmamahal sa mga hikahos. Harinawa’y hindi na maulit ang ganitong nakaaasar na pagkilos ng presidente. Sana sa susunod umaksyon siya bilang pangulo hindi isang panggulo. 

No comments:

Post a Comment