Saturday, October 31, 2015

No Uniform Policy, Nararapat nga ba?


Hindi na sapilitang pinasusuot ng uniporme ang mga mag-aaral sa pampublikong elementarya at sekondarya ayon sa bisa ng DepEd Order No. 65 noong Mayo 19, 2010. Ang mga mag-aaral na mayroon ng unipormeng magagamit ay maaaring magsuot nito ngunit kung sadyang hikahos at walang ipambili ay maaaring magsibilyan na lamang.
Sa punto ng DepEd, malaking tulong ito sa mga magulang na dumaranas ng dagdag pahirap tuwing bibili ng bagong uniporme para sa anak. Bukod sa makakatipid sa pagbili ng mga gamit pang-eskwela tulad ng sapatos at uniporme, mas malaki ang pagkakataon ng bawat maralitang kabataan na makapag-aral.
Samantala, hindi katanggap-tanggap ang pagsuot ng sibilyan sa pagpasok sa klase kaysa magsuot ng uniporme.

Una kasi, pangit tingnan kapag marami sa kabataang Pilipino ang pumapasok na hindi pare-pareho ang suot. Ang iba’y nakasuot ng pula, asul, berde, puti at itim kung saan tila hindi organisado at walang pagkakaisa ang bawat estudyante.
Pangalawa, ang kautusang ito ay banta sa seguridad ng mga mag-aaral. Hindi madaling makilala ang mga lehitimo at di lehitimong mag-aaral na pumapasok. Maaaring ang iba’y pumapasok lamang upang manggulo, magnakaw ng mahahalagang gamit tulad ng cellphone at pera o di kaya’y makapagsamantala.
Pangatlo, madali ng makapaglalakwatsa ang mga tamad na mag-aaral at makapaglalaro ng kompyuter sa labas ng paaralan. Ang mga gwardya ng internet cafe at mall na nagbabawal na magpapasok ng mga estudyanteng maglalaro lamang at maglilibot ay magugulumihanan sa mga mag-aaral na nakasibilyan sapagkat hindi nila alam kung dapat ba silang nasa paaralan o hindi.
Pang-apat, magiging mas kaawa-awa ang mga walang pambili ng uniporme. Lalaki ang distansya sa pagitan ng mayaman at mahirap. Magkakaroon ng diskriminasyon sa mga kapuspalad dahil kung maisasakatuparan ang kautusan, mahirap na ang turing sa mag-aaral na sibilyan o pambahay ang suot sa pagpasok sa paaralan.
Panglima, nakapagpapababa ito ng moralidad ng bawat mag-aaral. Wala na silang susunding alituntunin sa paaralan tulad ng pagsusuot ng uniporme at sapatos araw-araw. Hindi na nila malalaman ang kahalagahan ng isang organisado eskwelahan at unipormadong estudyante at hindi na rin sila masasanay na sumunod ng batas ng paaralan.
Ang pagpapatupad ng No Uniform Policy ng DepEd ay tunay na may magandang hangarin upang matulungan ang mga kapuspalad na mga magulang at mag-aaral na makatipid sa pagbili ng uniporme subalit higit ang negatibong epekto nito sa moralidad at seguridad ng  mga mag-aaral sa loob at labas ng paaralan. Ang No Uniform Policy ay hindi na nararapat magpatuloy.

No comments:

Post a Comment