Malaki ang salik ng mga batang mamamahayag sa panlipunang
pagbabago. Sila ang pinto tungo sa kaliwanagan ng isip ng kapwa mag-aaral sa
mga napapanahong isyu na nangyayari sa bansa at maging sa buong mundo. Ginigising
ng campus journalists ang diwang makabansa ni Juan dela Cruz, sa pamamagitan ng
pagbubunyag ng anumang suliraning kinakaharap ng bansa tulad ng pagdami ng mapagsamantalang
buwaya, human trafficking at maging pagkalat na tila sakit ng kahirapan sa
bansa.
Unang panahon pa lamang, pamamahayag na ang isa sa mga
sandata ng ating mga bayani upang iusbong ang diwang makabansa ng mga Pilipino.
Ginamit ito partikular nina Dr. Jose P. Rizal, Emilio Jacinto at ni Apolinario
Mabini para ipatanto sa unang Pilipino at sa mga indiyo na sila lamang ang may
karapatang mamahala sa Perlas ng Silanganan. Ginamit ng ating mga bayani ang
pluma bilang armas laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan at hindi makatarungang
pagtrato ng pamahalaan at simbahan sa mga Pilipino. Ang pluma ay tunay ngang
epektibo sa pagputol ng kadenang bumihag kay Juan ng halos 300 taon.
Sa ngayon, patuloy na namamayagpag ang pamamahayag sa mundo
lalo na sa ating bansa. Marami nang kontribusyon ang naibigay ng campus
journalism sa bawat paaralan partikular na sa sekondarya. Karaniwan sa mga ito
ay una, kung ang isang mambabasang estudyante’y may nais matanto tungkol sa
napapanahong isyu, sa seksyon ng balita, siya ay makokontento. Pangalawa kung
may nais makabatid kung ano ang maaari niyang gawin upang makatulong sa mga
suliranin sa bansa, sa pahinang pangulong tudling tiyak na bawat katanunga’y
sasagutin. At pangatlo, kung nais ng isang mag-aaral na makapaglibang, maaaring
tumungo sa pahinang isports at lathalain, doon tiyak na bawat isa’y
mahuhumaling. Kagyat na natin makikita ang mga ninanais malaman sa yanong paraan
-- sa pamamagitan lang ng pagsulyap sa dyaryo. Ito ang kadalasang pangangailangan
ng ilang mga Pilipino kung may gusto silang malaman sa mga nangyayari sa
paligid.
Ngayon mas espesyal na ang gampanin ng campus journalism sa
pagtamo ng pambansang kaunlaran. Ayon sa dating kalihim ng Kagawaran ng
Edukasyon na si Jesli Lapus, mayroong kapangyarihan sa pluma. Pinili nilang
maging salik sa kanilang adbokasiyang panlipunang pagbabago ang mga batang manunulat
sapagkat una, alam nila kung paano palakasin pa ang kapangyarihan ng
komunikasyon. Pangalawa, mas malapit sila sa kapwa kabataang pag-asa ng bayan
na silang maaaring magpapatakbo ng pamahalaan sa susunod na henerasyon. At pangatlo,
tiwala ang Kagawaran ng Edukasyon na maisasakatuparan ang Millenium Development
Goals (MDG) ng United Nations (UN) tulad ng pagwaksi sa kahirapan at
katiwalian.
Kung nasolusyunan ng ating mga bayani na magkaroon ng
reporma sa pamahalaan at matamo ang kalayaan sa panahon ng pananakop ng mga
Espanyol at mula sa pagiging bulag at taingang kawali noon ng mga Pilipino, ay
napausbong ang katapangan at damdaming makabansa sa pamamagitan ng pagsusulat,
hindi imposible sa ngayon na magiging epektibo ito upang makamtan ang MDG’s. Sa
simpleng pagsusulat, naipapahayag na natin ang mga nais nating maging aksyon ng
kapwa Pilipino at maging sa pamahalaan. Mahihikayat din nating suportahan ng
ating kamag-aral pati mga guro na magsulat upang ibunyag ang mga kapakinabangan
ng MDG’s. Sa pamamagitan kasi ng mga ito, maisasakatuparan ang layunin ng UN at
magkakaroon na rin sa wakas ng kabawasan sa mga problemang kakaharapin ng bawat
bansang nasa ilalim ng UN pagdating ng taong 2015. Pluma ng bawat Pilipino,
tunay ngang susi sa pagbabago.
No comments:
Post a Comment